Andito lang kami, Kuya | PIN(K)OY

Labels

1.7.10

Andito lang kami, Kuya

Kanina lang ay pinanood ko ang inauguration ng bagong pangulo ng Pilipinas, Benigno Aquino III. Sa totoo lang, napaiyak ako…inisip ko, sya na ba talaga ang makakapag-bago ng Pilipinas? Makalipas ang mahabang panahon, sya na ba ang talagang makakapagbangon sa bayan natin? Sa isip ko, sa wakas, makikita na ng henerasyon ko ang matagal na naming minimithi.

KAMI...ANG PILIPINONG GEN-X

Ang sabi sa wikipedia, ang Generation X ay yaong mga pinanganak mula 1961 hanggang 1981. Subalit, ito ang depinisyon base sa demograpya ng Estados Unidos. Kaya daw tinawag na Generation X ay dahil sa panibagong lifestyle ng mga teenagers na lumaki noong 1980s. Eto ang henerasyon na lumaki sa western pop culture ng punk, new wave, at MTV.

Masasabi kong kami ang nagdadala ng bantayog ng Gen-X, mga ipinanganak sa huling panahon ng dekada 60. Pinanganak kami nang nag-transition mula black and white TV to colored. Naabutan namin ang mga de-kabinet pang mga telebisyon at stereo component. Nabaliw kami sa Voltes 5 at Mazinger Z at nabuwisit kapag na-iinterrupt ang aming viewing habits pag si Marcos na ang nasa telebisyon. Naranasan namin ang maglaro sa kalye ng tumbang preso, patintero at naabutan naming ang kasagsagan ng afternoon disco. Halos lahat sa mga kaibigan ko ay gumaya kay Michael Jackson, Madonna at Duran Duran.

Aminado ako, medyo hindi pa ako mulat nung mga panahon na yon. Siguro dahil sa masyado akong naniniwala sa history teacher ko habang tinuturo nya ang sanitized version ng current events. Paminsan-minsan, nakakatisod kami ng impormasyon tungkol sa pakikibaka ng mga kuya at ate ng aming henerasyon, ang henerasyon ng First Quarter Storm.

PAGMULAT NG GEN-X

Nang tumungtong kami sa kolehiyo, biglang nagbago ang aming mundo. 1986 nang naganap ang people power revolution. Ang mga kuya at ate namin sa First Quarter Storm ay nagbunyi. Sila ang unang humarap sa mga tangke ni Marcos sa Edsa. Ang Gen-X ay sumasabay lamang sa agos upang mas lalong maunawaan ang mga pangyayari. Naiyak din kami dahil alam naming mahalaga ang pinaglalaban noon…ang kinabukasan at kalayaan naming mga Gen-Xers at mga susunod pang henerasyon.

Dahil sa kamulatan na ito at puno ng idealismo, nagpasya akong kunin ang Journalism bilang aking major sa Bachelor of Arts nang tumuntong na ako ng 3rd year sa kolehiyo pagkatapos lamang ng Edsa Revolution.

Matapos grumadweyt, sumabak na kami sa trabaho. Umpisa sa pahanon ni Tita Cory hanggang sa panahon ni Tatang Fidel Ramos, sige lang trabaho. Reporter ako sa radyo noon. Ang henerasyon namin ang unang nakinabang sa paglaya ng pamamahayag.

ANG NAKALIMUTANG HENERASYON

Matapos ang mahabang panahon, ang henerasyon namin ay biglang nalamon ng sistema. Asan nga naman yung pagbabagong sinasabi nilang mangyayari?

Mga huling taon ng 1990s nang sinabi ko, tama na. Tumatanda akong still striving to survive. Nag-isip akong mangibang bansa pero paano? Ayoko namang iwan ang tatlong taong gulang kong anak. Ayokong abandonahin ang Pilipinas dahil naniniwala pa rin akong may pag-asa pa tayo. Kaya, nagbakasakali ako sa isang lugar na malaki ang potensyal…nag-alsa balutan ako, dala dala ang aking anak at nagtrabaho sa Subic. Ang ganda ng lugar! Parang wala ka sa Pilipinas. Dito ko nakita na…meron pa rin talagang pag-asa ang Pilipino.

Ako, at marami sa henerasyon ko ang umalis sa kinalalagyan nila dahil sa sobrang pagka-unsyami sa sistema. Nakalimutan kami ng mga ate at kuya namin. Oo nga’t sila ang nasa puwesto matapos nilang maibalik ang kalayaan, ngunit ganon pa rin hanggang ngayon, hanggang ang henerasyon namin ay…nakalimutan na.

Kami ay nakakalat ngayon kung saan saang lupalop ng mundo, marami sa aming nasa edad kwarenta na. Hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng kalalagyan. Marami sa amin ang patuloy pa ring nagsusunud-sunuran para lamang maka-survive. Ang iba, nakatakas nga mula sa sistema ngunit malayo naman sa kanilang inang bayan.

Nasayang ang aming karunungan sa mahabang panahon naming pagiging saksi lamang. Sa pagputok ng teknolohiya at internet, marami sa amin ang ngayo’y nagsisimulang makibagay dito…matuto at kahit papaano, magkaroon ng kalalagyan sa panibagong mundong ito.

ANDITO KAMI

Ngayon, ikaw na ang aming pangulo Kuya Noy Noy. Andito kami, mga nakababata mong kapatid para tulungan ka sa abot nang aming makakaya upang magawa mo ang nararapat at matupad ang pagbabago na matagal na nating hinihintay. Kaming mga kapatid mong papunta pa lamang sa gustong kalagyan. Marami-rami na rin kaming natutunan, marami na rin kaming naranasan.

Andito lang kami, Kuya P-Noy.

3 comments:

The Pope said...

Over the year, you'd been very supportive to KABLOGS and PEBA advocacies and we really recognize your blog contribution in our blogging community.

As PEBA 2010 opens its doors to all Filipino bloggers around the world, I am inviting to PEBA 2010, not only as a Supporter but as a NOMINEE for this event.

Please visit and join PEBA 2010 (http://pinoyblogawards.blogspot.com/), We're counting on you.

Life is Beautiful, Keep on blogging, keep on inspiring.

A blessed weekend to you and your family.

RhonB895 said...

Ey Pope! Anything for PEBA. You can count on my continuing support :)

Rach said...

waaa.. di ko kinaya ang tagalog.. hehe