Estranghero pa rin ako sa dito Olongapo. Although matagal na akong nag-relocate dito, mga labing-isang taon nang nakaraan, mahigit isang taon pa lang talaga akong nakatira dito mismo sa Gapo.
Nang dumating ako dito, sa loob ako ng Subic Bay Freeport tumira. Kumbaga, sa loob ng base, ika nga ng mga oldtimers dito. Dahil nga sa SBMA ako nagtatrabaho, may pabahay na ibinibigay para sa mga dayo galing Maynila. Mga 3 years old pa lang ang anak ko nun nang dinala ko sya dito. Ang ganda-ganda ng Subic. Sa totoo lang, I fell in love with the place nung una akong tumuntong sa loob. Nung panahon na yun, ang pakiramdam ko wala ako sa Pilipinas, iba ang simoy ng hangin, parang Tate. 1997 yun. Medyo naabutan ko pa ng konti ang volunteerism noon (tatlong buwan din ako nag-volunteer although hindi na ako nakaabot pa dun sa listahan ng mga pangalan sa volunteer's park).
Pero sa totoo lang, mas naintriga ako sa Olongapo. Matagal ko nang pinangarap makarating dito dahil nung 8os at nandito pa ang mga kano nun, e sikat ang Gapo sa mga banda. Parang ang Olongapo ay mahahalintulad sa England (melting pot ng punk/new wave scene) nung panahon na yun. Kung nung 80s e may mga American bands gaya ng Pretenders na dumayo pa sa England para lang mapansin ng sarili nilang bayan (yun ang pagkakaalam ko sa history ng Pretenders ha), dito, Gapo naman ang melting pot ng mga bandang matitindi, kaya nung mga panahon na yun nagpaplano kaming dumayo at makatugtog sa Gapo. Sa madali't sabi, hanggang plano na lang yun.
Dahil sa trabaho kung kaya't finally, nakarating din ako sa Olongapo, although wala na ang mga kano ngayon at wala na rin yung matinding band scene dito. Well, at least nakarating din. Sabi nga naman, huli man at magaling, huli pa rin.
Mga mahigit isang taon nang nakaraan nung nagdesisyon kaming lumabas ng secured area para tumira mismo sa syudad ng Olongapo. Parang nagbago rin ang lifestyle namin nang lumabas kami. Dahil sa loob e tahimik, dito sa Gapo, ang daming gimik. Kung sa loob, kailangan mo pa ng sariling sasakyan para makarating from point A to point B dahil sa medyo may kalayuan ang mga pamilihan dun, dito sa Gapo e kahit saan pwede mong lakarin, o kaya sumakay ka lang ng traysikel o kahit anong kulay ng jeep, kahit dis-oras na.
Hari dito ang traysikel (color-coded din sila) - biente kuwatro oras laging may bumabyahe. Kahit saan may traysikel kahit sa bundok pa (dun sa Gordon Heights). Ang jeep naman dito ang pumapangalawa. Di gaya sa Manila na nakikipag-agawan ka para makaupo sa jeep, dito, ang pasahero ang pinag-aagawan. Ang dami kasi. Madalas, nakahambalang ang jeep sa gitna ng kalye habang hinihintay si lola makarating sa kanto para isakay siya. Kaya kung nagmamadali ka, mag-traysikel ka na lang, magbayad ka na lang ng special rate.
Sa dami ng traysikel at jeep dito, nagkakagulo ang traffic, lalo na kung rush hour. Sumasabay pa ang human traffic (hindi human trafficking ha). Dito pa naman sa Gapo mahilig ang mga tao maglakad sa gitna ng kalye at hindi sila takot masagasaan.
Ang mga pribadong sasakyan dito ang medyo kawawa. Andyan yung madalas kang masabitan ng traysikel dahil nga kung saan-saan lumulusot. Andyan din yung muntikan ka nang makasagasa.
Kaya, a word of caution sa mga bagong nagda-drive dito: bagal-bagalan lang ang andar at baka ikaw pa ang murahin.
Nung kailan lang, kasama ko yung kaibigan kong si Tintin at papasok kami sa gate ng Subic. Nagbubusina ako dahil sa gitna ng kalye e may parang tulalang naglalakad. Sigaw ako, "Oy, kung ayaw mong tumabi!... ako ang tatabi!" Syempre, baka mamura ako e. Syempre, nung nakarating na kami sa loob, relax na ako dahil disiplinado na ang galaw ng trapiko dun.
Marami pa siguro akong madidiskubreng quirks ng syudad ng Gapo. Kahit hindi ko na naabutan ang mga kano at ang mga banda, masasabi kong iba pa rin ang Gapo. Makulay pa rin ang lugar at ang mga mamamayan nito. Napamahal na sa akin ang lugar na ito. Hmm...sa tingin ko, hindi na rin siguro ako estranghero dito. Pwede ko na sigurong sabihing, taga-Gapo ako.
2 comments:
pinkoy... sorry dear i cant understand a word which u have written there. Just tell me in English what it is all about, and then i will give my appreciation please do. kunjubi
Post a Comment